Jinggoy babasahan ng sakdal ngayon
MANILA, Philippines - Nakatakdang basahan ng sakdal ngayong Lunes sa Sandiganbayan sina Sen. Jinggoy Estrada, Janet Lim Napoles at iba pang akusado sa kasong graft at plunder kaugnay ng pork barrel scam.
Ayon sa Quezon City Police District, may 150 pulis ang ipapakalat sa paligid ng Sandiganbayan para mangalaga sa seguridad.
Mula sa PNP Custodial Center inaasahang sasalang sa arraignment sa Sandiganbayan 5th Division si Estrada, Napoles at iba pang kapwa-akusado.
Pagtutuunang pansin ng PNP ang pag-escort sa mga akusado, bantay ng mga hurado, magkokontrol sa mga taga-suporta at mag-aayos ng trapiko sa Commonwealth Avenue.
Kahapon ay patuloy ang dagsa ng bisita kina Estrada at Sen. Bong Revilla sa PNP custodial center.
Pangunahing namataang bumisita sa dalawang senador ang actor na si Philip Salvador at showbiz writer na si Lolit Solis.
Hindi naman nagpaunlak ng panayam si Salvador habang si Solis ay sinabing, ito ang unang pagkakataong nadalaw niya ang dalawa kaya nagdala sila ng pagkaing paborito ng mga ito tulad ng salad at barbeque.
Pinapayagan ang bisita tuwing Linggo at Huwebes mula alas-9 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Gayunman, maaring dumalaw anumang oras ang kanilang mga abogado, spiritual leaders, doctor, gayundin ang mga miyembro ng immediate family ng mga ito basta may koordinasyon sa mga otoridad.
- Latest