Dahil sa power crisis NEA, coop officials giit suspindihin
MANILA, Philippines - Dahil sa kinakaharap na malaking krisis sa kuryente sa Lanao del Sur, hiniling kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales ng may 27 alkalde ng lalawigan na patawan ng preventive suspension ang mga opisyal ng Lanao del Sur Electric Cooperative (LASURECO) at National Electrification Administration (NEA).
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Bayan G. Balt, abogado ng isa sa mga LGU na naghain ng reklamo, kung hindi masususpinde sina Lasureco General Manager Ashary Maongco, NEA Administrator Edita S. Bueno at auditor na si Digno Tumbokon ay maaari umanong tangkain ng mga itong impluwensiyahan ang ginagawang imbestigasyon.
Noong nakalipas na linggo, naghain si Balt ng reklamong plunder laban sa tatlo kaugnay sa sinasabing hindi maipaliwanag na pagkakautang ng kooperatiba na umabot ng P6.2 billion at ang pagpapasuweldo ng mga itinalaga at hindi hinalal na board of directors.
Sa inihaing complaint, inireklamo ng mga lokal na opisyal ng Lanao del Sur ang “questionable disbursements” ng may P190 million ng barangay electrification funds, P25 million Pantawid Kuryente at P603 million power bills na nakolekta sa mga consumer mula 2007 hanggang 2012.
Sinasabi ng mga complainant na ang pera ay hindi ibinigay sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation at sa National Grid Corporation.
Ayon kay Balt, ang reklamo ay personal na isinampa sa Office of the Ombudsman ng 27 alkalde na nagsilbi ring kinatawan ng 32 sa 39 na bayan ng Lanao del Sur na pinutulan ng serbisyo ng kuryente nang halos magda-dalawang taon ngayon.
Ikinalulungkot ni Balt ang epekto ng krisis sa kuryente sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at ang pagkadiskaril sa pag-unlad ng lalawigan.
- Latest