Japan mas masusing pag-aaralan ang subway system sa Metro Manila – PNoy
MANILA, Philippines — Upang maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko sa Metro Manila, nangako ang Japan na magsasagawa ng mas masusing pag-aaral sa pagbuo ng subway system, ayon kay Pangulong Benigno Aquino III.
Ito ang isa sa mga bunga ng working visit ni Aquino sa Japan kahapon, kung saan pinasalamatan niya si Prime Minister Shinzo Abe sa naunang isinagawang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa pagsasaayos ng trapiko sa kamaynilaan.
"Dagdag pa rito, nangako ang Japan na gumawa ng mas detalyadong pag-aaral para tukuyin kung posible ang isang subway system para sa kalakhang Maynila," pahayag ng Pangulo.
Kaugnay na balita: 1 araw ni PNoy sa Japan halos P9M
"Naniniwala po tayo na ang matibay na imprastruktura ay sandigan ng mas malakas na ekonomiya."
Nitong buwan din lamang ay inilabas ng JICA ang transport infrastructure roadmap para sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna sa hiling na rin ng National Economic Development Authority.
Kasama sa pinag-aralan ang paggawa ng subway at ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
"We will consider the possibility of further assistance for the Subway and New NAIA, which we believe Japanese technologies can be utilized," wika ni JICA Philippines Chief Representative Noriaki Niwa.
Naglabas ang Department of Transportation and Communications (DOTC) ng mungkahing paggawa ng P135 bilyong halaga ng elevated railway sa reclaimed area sa lungsod ng Pasay.
- Latest