Tagong yaman ni Napoles mahihirapan kuhain - PCGG
MANILA, Philippines — Mahirap, ngunit hindi imposibleng makuha ang umano'y tagong yaman ng itinuturong utak sa likod ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles, ayon Presidential Commission on Good Government.
Sinabi ni PCGG chairman Andres Bautista na mas mahirap makuha ang tagong yaman ng isang pribadong tao kumpara sa mga opisyal ng gobyerno.
"Kung mahirap nang kunin ang isang ari-arian mula sa isang tao mas mahirap pa kung yung mga yun ay itinago nga sa ibang pangalan at kalimitan sa iba pang bansa," wika ni Bautista sa kanyang panayam sa telebisyon kagabi.
Ayon sa mga ulat, maraming tagong yaman si Napoles sa ibang bansa, partikular sa Amerika, kabilang ang P400 milyong ari-arian, hotel sa Anaheim at isang unit sa Ritz Carlton condominium sa Los Angeles.
Ang PCGG ang naatasan na kumuha sa mga nakaw na yaman ni dating Pangulo Ferdinand Marcos at sa mga nakalipas na dekada ay iilan lamang ang nabawi.
Sinabi pa ni Bautista na aabutin din ng ilang taon para mabawi ang kay Napoles.
"Kakasuhan yan iko-korte ang daming mga appeal maraming mga petitions for certiorari on every interlocutary order that will be issued by the courts," banggit ni Bautista. "Talagang matatagalan."
Aniya hindi rin gaanong matututukan ang kaso ni Napoles dahil hanggang sa ngayonay higit 200 kaso pa ni Marcos ang nakabinbin sa korte.
Ilang beses nang pinabulaanan ni Napoles na siya ang mastermind sa pork barrel scam.
- Latest