Job fairs ng DOLE napasok ng illegal recruiters
MANILA, Philippines - Aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maging ang mga job fairs na inorganisa nila ay hindi ligtas sa illegal recruiters.
Bilang babala na rin ito sa mga aplikante na kilatisin ang mga kumpanÂya o pribadong ahensiya na nagsasamantalang sabayan ang kanilang job fair upang makapambiktima.
Sinabi ni DOLE–National Capital Region acting Director Nelson Hornilla, sa mga nakalipas nilang job fairs ay natuklasan nila ang ilang illegal recruitment activities.
Kabilang dito ang nadiskubre nilang grupo na namamahagi ng leaflets ngunit hindi naman kabilang sa rehistradong employer na kalahok sa job fairs.
Mahalaga umano na mabantayan ng job fairs organizers ang kanilang aktibidad dahil baka magamit ang pagkakataon sa iligal na aktibidades ng ilang indibidwal sa pagre-recruit ng mga nais makahanap ng trabaho.
Nabatid na ang taunang job fair ay idinaraos ng DOLE, kung saan ang pinakahuli ay ang job fair sa Luneta Park sa Maynila, nitong nakalipas na (Hunyo 12) Independence Day .
Nasa 35,000 local at overseas jobs ang inialok sa mga taong walang hanapbuhay.
May nakalinya pang mahigit 30 job fairs na idaraos ang DOLE sa iba’t ibang panig ng bansa ngayong buwan.
- Latest