5 generals, 14 pa kakasuhan sa missing 1,000 AK-47 rifles
MANILA, Philippines - Nakatakdang kasuhan ang 19 na pulis kabilang ang limang heneral kaugnay ng nawawalang AK-47 assault rifles na napunta sa kamay ng mga rebeldeng New People’s Army sa Mindanao.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation Detection Group Chief P/Director Benjamin Magalong, kabilang sa kakasuhan sina PNP Region 3 director, Chief Supt. Raul Petrasanta; P/Chief Supt. Tomas Rentoy; P/Chief Supt. Regino Catiis; P/Senior Supt. Eduardo Acierto Jr.; ret. Police Director Gil Meneses; ret. Director Napoleon Estilles at iba pa. Sampu pang sibilyan ang kasama sa mga sasampahan ng kaso ng PNP-CIDG.
Ginamit umano ng NPA ang negosyanteng si Isidro Lozada para mabili ang mahigit 1,000 AK-47 sa isang gun shop sa Butuan City.
Natukoy rin sa imbestigasyon na ang Twin Pines Inc., isang lisensyadong importer ng mga armas at spare parts nito gayundin ang mga bala at shooting accessories ang nagbenta ng nawawalang AK-47 at M16 armalite rifles sa JTC Mineral Mining Corp. na nag-ooperate sa Caraga Region.
Pang-depensa umano ang naturang mga armas ng mga security personnel ng mining firm laban sa pag-atake ng NPA rebels at mga elementong kriminal sa rehiyon. Gayunman, sa gun check at inventory ng PNP ay nadiskubreng nawawala sa JTC ang nasabing mga armas.
- Latest