Pinoy sa Libya pinalilikas!
MANILA, Philippines - Pinalilikas na ng paÂmahalaan ang libu-libong Pinoy sa Libya bunsod ng umiigting na karahasan dahil sa isyung pulitikal.
Kasunod ito ng ginawang pagbisita ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario sa Tripoli kamakalawa kung saan itinaas na sa alert level 3 ang sitwasyon ng mga Pinoy sa nasabing bansa upang matiyak ang kanilang seguridad at kaligtasan.
Nakipagpulong si del Rosario sa Rapid ResÂponse Team (RRT) sa Libya upang ipatupad ang contingency plan ng pamahalaan para sa may 13,122 Pinoy na kasalukuyang nakatira sa Libya.
Mula sa restriction phase ay inilagay ng DFA sa voluntary repatriation ang alerto kung saan hinihimok ang mga Pinoy na boluntaryong lumikas sa Libya sa lalong madaling panahon.
Ang mga Pinoy na kusang aalis ay libre ang plane ticket na sasagutin ng gobyerno.
Sa ilalim ng alert level 3, ipinatutupad na ang deployment at travel ban para sa mga Pinoy lalo na ang mga overseas Filipino workers na nagpa-planong mag-trabaho o bumisita sa Libya.
Inabisuhan ng RRT ang mga Pinoy doon na agad na makipag-ugnayan sa Embahada para sa ipinapatupad na voluntary repatriation.
- Latest