3 araw na klase pinag-aaralan
MANILA, Philippines - Pinag-aaralan pa ng Department of Education (DepEd) kung makatutulong ang planong 3-day school week sa ilang paaralan sa Metro Manila kasunod ng napakaraming mag-aaral sa kamaynilaan kabilang ang ilang nasa Quezon City area.
Ayon kay DepEd-National Capital Region Dir. Luz Almeda, isa ito sa posibleng solusyon sa patuloy na pagdami ng estudyante at kakulangan ng silid-aralan sa Metro Manila taun-taon.
Sakaling maipatupad, hahatiin sa dalawang batch ang mga mag-aaral kung saan papasok mula Lunes hanggang Miyerkules ang unang grupo habang Huwebes hanggang Sabado ang ikalawang batch.
Sinabi naman ni DepEd Assistant Sec. Jess Mateo na nagkakaroon ng overcrowding dahil na rin sa pagdagsa ng mga nagpapa-enroll sa mismong araw ng pagbubukas ng klase gayundin ang pagbuhos ng mga transferee.
Bukod sa 3-day school week, tinitingnan ding solusyon ang paggamit ng school bus para dalhin ang mga sobrang mag-aaral sa isang eskwelahan na puwedeng tumanggap sa kanila. Kabilang sa tinitingnang paglilipatan ang Ramon Magsaysay High School at ilang eskwelahan sa bahagi ng East Avenue at Cubao.
- Latest