Zoren Legaspi may 4 na TIN nahaharap sa panibagong kaso
MANILA, Philippines - Mistulang naidiin pa ang actor na si Zoren Legaspi nang lumabas sa preliminary investigation kahapon sa Department of Justice (DOJ) na apat ang tax identification numbers (TIN) nito.
Kung matutukoy na may kinalaman ito sa pagkakaroon ng maraÂming TIN, posibleng may panibagong tax law pa na nalabag ang actor, maliban sa kinakaharap na P4 million tax evasion case.
Hindi nakadalo sa pagdinig kahapon si Legaspi at sa halip ay pinapunta nito ang kaniyang accountant na si Flora Capili.
Mismong si Capili na rin ang umamin na may apat na TIN si Legaspi, na aniya, ay natuklasan nila sa mga dokumento o certifications na inisyu ng mga kumpanyang kumuha ng serbisyo ng actor.
Itinanggi ni Capili na may kinalaman ang actor kaya ibeberipika nila sa kumpanya kung bakit magkakaiba ang TIN, gayung hindi naman umano ganun ang isinumite sa mga kumpanya.
Sa panig naman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pamamagitan ni Atty. Emmanuel Ferrer Jr., iligal kung maraming TIN ang hawak ni Legaspi. Paglabag umano ito sa ilalim ng National Internal Revenue Code (NIRC) na maari umanong magamit para makaiwas sa tamang buwis na babayaran.
Gayunman, iniutos ni Assistant State Prosecutor Stewart Allan Mariano na hindi ipasok sa record ang pag-amin ni Capili dahil walang umaasisteng abugado sa kaniya, na maaring magdiin pa kay Legaspi.
Binigyan pa ng hanggang Hunyo 6, 2014 si Legaspi sa pagsusumite ng counter-affidavit at magdala ng abugado niya sa itinakdang muling pagdinig.
- Latest