Magbubukid, teenager nahulihan ng 167 kilo marijuana
MANILA, Philippines - Arestado sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang magbubukid at binatilyong lalaki matapos mahulihan ng may 167 kilo ng marijuana sa probinsya ng La Union.
Kinilala ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. ang inarestong magsasaka na si Elvin Consulta, 42. Si Consulta at ang kasama niyang teenager ay kapwa residente ng Labang Taytay, Esperanza, Masbate at naninirahan ngayon sa Barangay Balbalayang, San Gabriel, La Union.
Nagpakalat ng mga tauhan ang PDEA at ang lokal na pulisya sa Sitio Padang, Barangay Bumbuneg sa bayan ng San Gabriel pasado hatinggabi noong Mayo 22 matapos makatanggap ng impormasyon na may isang Toyota Innova na may sakay na kilu-kilong marijuana ang dadaan sa lugar.
Natiyempuhan ng mga operatiba ang dalawang suspek na kumuha ng isang kulay asul na supot mula sa isang Toyota Innova.
Nang sitahin, nakita sa loob ng Innova ang 67 na bloke ng tuyong marijuana at 36 na rolyo ng marijuana na nakabalot ng packaging tape.
Nahaharap si Consulta sa kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ang naarestong binatilyo naman ay dadalhin sa San Gabriel Municipal Social Welfare and Development Office.
- Latest