Napoles sa OsMak pa rin muna
MANILA, Philippines – Dahil sa pagdurugo ay hinayaan ng korte ngayong Biyeres na manatili pa ang itinuturong utak sa likod ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles sa Ospital ng Makati hanggang sa matiyak na ang kalagayan ng negosyante.
Humarap sa witness stand ang doktor ni Napoles na si Dr. Efren Domingo at sinabing hindi pa nila malaman ang dahilan ng pagdurugo ng pasyente.
Hinala nila ay dahil sa stress o labis na pagod ang dahilan ng pagdurugo ni Napoles dahil sa tinatapos niyang karagdagang salaysay na ibibigay kay Justice Secretary Leila de Lima kaugnay ng pork scam.
Kaugnay na balita: Sa pagdurugo ni Napoles: Kahit may duda, korte na ang bahala - Luy
Pinabulaanan din ni Domingo ang haka-hakang nagdadahilan lamang si Napoles upang hindi pa pabalikin sa kanyang kulungan sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City, Laguna.
Aniya, noong Mayo 19 pa nagsimula ang pagdurugo ni Napoles isang araw bago ipag-utos ng korte na pabalik na si Napoles sa Laguna.
Nakatakda sanang ibalik sa Fort Sto. Domingo kaninang tanghali si Napoles.
Kaugnay na balita: Napoles dinugo uli, humirit ng mas matagal na pananalagi sa Osmak
Dinala si Napoles sa OsMak noong Marso para sumailalim sa operasyon sa kanyang matres at mula noon ay hindi pa siya ibinabalik sa kanyang kulungan.
- Latest