De Lima hihingi muli ng palugit sa Senado
MANILA, Philippines – Dahil hindi pa kumpleto ang sinumpaang salaysay ng itinuturong mastermind sa pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles, hihingi sa pangalawang pagkakataon si Justice Secretary Leila de Lima ng extension sa Senado.
Sinabi ng kalihim na hiniling niya sa kampo ni Napoles na tapusin ang mga karagdagang salaysay ngayong tanghali.
Dagdag niya na ayaw niyang madaliin si Napoles kaya naman wala aniya siyang magagawa kung hindi ay humingi ng palugit sa Senate Blue Ribbon Committee.
Kaugnay na balita: DOJ, NBI tumanggap ng P150M mula kay Napoles - Cam
Nauna nang humingi ng extension si De Lima kay Committee chairman Teofisto Guingona III dahil sa kulang-kulang na salaysay ni Napoles.
Ipina-subpoena ng Senado ang hawak na salaysay ni De Lima na ibinigay sa kanya ni Napoles bago operahan ang negosyante sa Ospital ng Makati nitong nakaraang buwan.
Samantala, sinabi ng abogado ni Napoles na si Bruce Rivera na nahihirapang tapusin ng kanyang kliyente ang affidavit dahil sa kondisyon niya.
Kaugnay na balita: Napoles dinugo uli, humirit ng mas matagal na pananalagi sa Osmak
Kahapon ay sinabi ni Rivera na hiniling nila sa korte na mapalawig pa ang pananatili ni Napoles sa OsMak upang tuluyang gumaling.
Dagdag niya na tatlong araw nang dinurugo si Napoles, ngunit itinago ito nsag kanilang kliyente sa kanila.
- Latest