Umento sa sahod ng teachers, malabo
MANILA, Philippines - Malabo pang maibigay ngayong taon ang inihihirit na umento sa sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Bro. Armin Luistro, kung sakaling magkakaroon ng umento ay maaaring maganap pa ito sa susunod na taon dahil naipasa na ang budget para sa taong ito at batid naman aniya ito ng mga guro.
Ipinaliwanag pa ng Kalihim na dapat ding isaalang-alang ang usapin ng pondo lalo’t kung may umento sa sahod.
Aniya pa, hindi lang mga guro ang sakop nito kundi maging ang iba pang public servants kaya kailangang pag-usapan pa ito kasama ang Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng salary standardization.
Sinabi pa ni Luistro na may benepisyo naman ang mga guro sa pampublikong paaralan tulad ng annual checkup sa ilalim ng PhilHealth bagama’t makikipag-usap pa siya sa ahensya upang madagdagan ang mga health center nang hindi na lalayo pa ang mga guro para magpasuri.
Handa naman ang kalihim na makipag-usap sa mga gurong nagbabalak mag-mass leave sa pasukan sa Hunyo 2.
Muling nanawagan si Luistro sa mga guro na huwag nang ituloy ang bantang mass leave upang hindi maapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante.
Una nang nag-rally ang grupo ng mga guro sa Malacañang upang ihirit ang P10,000 umento sa sahod at nagbanta pa ng mass leave kung hindi aaksyunan ng pamahalaan ang hinaing nito.
- Latest