DOJ, NBI tumanggap ng P150M mula kay Napoles - Cam
MANILA, Philippines – Isiniwalat ni jueteng payola whislteblower Sandra Cam na nakakuha ng P150 milyon ang Department of Justice at National Bureau of Investigation kapalit ng pagbabasura ng kasong serious illegal detention na isinampa ng pamilya ni pork barrel scam whistleblower Benhur Luy laban kay Janet Lim-Napoles.
Ito ang pasabog ni Cam at ng iba pang whistleblower kasabay ng panawagang pagbibitiw sa puwesto ni DOJ Secretary Leila de Lima.
Bukod kay De Lima, inakusahan din nila si dating NBI director Nonnatus Rojas na tumanggap ng P30 milyon sa isang lunch meeting kasama ang mga abogadong sina Alfredo Villamor, Plaridel Bohol at si Napoles noong Mayo 23, 2013.
"Iba dun pinaghati-hatian sa DOJ...huwag mong sabihin dito na walang kinalaman dito si Secretary de Lima," wika ni Cam.
"Ang dismissal ng kaso ay hindi lang po manggagaling sa prosecutor pero mismo sa Secretary of Justice," dagdag niya.
Samantala, sinabi pa ni Cam na walang ginawang aksyon si De Lima sa impormasyon ibinigay niya tungkol sa pinagtataguan ng dalawa sa most wanted ng bansa ang magkapatid na Joel Reyes at Mario Reyes.
"May ginawa ba si De Lima? Wala nang integridad sa amin si De Lima...you (De Lima) never lifted a finger," banggit ni Cam.
Inakusahan naman ng isa pang whistleblower na si Melchor Magdamo na tila isa nang abogado ni Napoles si De Lima.
"De Lima is already lawyering for Napoles...the very least she [could do is to] inhibit herself from the case. De Lima must resign."
- Latest