Kaso ng nawawalang P12-M firearms lutas na
MANILA, Philippines - Nalutas na ng Philippine National Police (PNP) ang misteryosong pagkawala ng 59 baril na nagkakahalaga ng halos P12 M mula sa vault ng isang pribadong kumpanya na nagbebenta ng baril na nakatago sa Firearms and Explosives Office (FEO) sa Camp Crame.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP Spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac kasunod ng pagkakaaresto sa dalawang suspek kabilang ang isang naghudas na emÂpleyado ng Joavi Philippine Corporation .
Kinilala ni Sindac ang mga naarestong suspek na sina Harold Sumalde, 23, vault keeper ng Joavi Corporation ng Bagbagin, Caloocan City at Raymond Lopez, 34.
Sinabi ni Sindac, unang nasakote kamakalawa si Sumalde kung saan inamin nito na may kinalaman siya sa pagkawala ng 60 pistola sa vault ng Joavi Philippine Corpopration sa tanggapan ng FEO.
Ikinanta naman nito si Lopez na siya niyang pinagbentahan ng nasabing mga nawawalang baril na aabot sa P 11.7-milyon ang halaga.
Si Lopez ay nasakote sa follow up operations kamakalawa ng gabi sa 1000 Ulingan Street, Lawang Bato, Valenzuela City.
Kabilang sa 59 na ninakaw at ibenentang armas ni Sumalde ay 12 Caracal F, 8 piraso ng Sphinz 3000 compact, 16 piraso ng Kriss Vector SDP, tatlong ARCUS 98 DAC, 20 piraso ng Sphinx Compact SDP.
Mayo 14 ay nadiskubre ng Joavi Philippine Corporation sa isinagawang random inventory sa vault ng kumpanya sa PNP-FED. Nang dumating ang safekeeper nito ay agad itong isinailalim sa masusing imbestigasyon hanggang aminin ang pagpupuslit nito ng nawawalang mga armas.
- Latest