PNoy: Ebidensya muna bago sibak
MANILA, Philippines — Wala pang planong tanggalin ni Pangulong Benigno Aquino III ang ilang miyembro ng kanyang gabinete na sangkot umano sa pork barrel scam.
Sinabi ni Aquino ngayong Huwebes na hindi tama na kaagad husgahan at sibakin sa puwesto ang mga opisyal ng gobyernong lumutang ang pangalan sa listahan ng itinuturong mastermind na si Janet Lim-Napoles.
"Mali siguro na may nag-criticize, 'di ba, dapat tanggalin na kaagad. Siguro ang importante: May ebidensya nga ba?," pahayag ni Aquino.
Kaugnay na balita: Abad kumpiyansang tiwala pa rin si PNoy sa kanya
Ito ang naging tugon ng Pangulo matapos madawit ang pangalan nina Budget Sec. Florencio Abad, Agriculture Sec. Proceso Alcala at Technical Education and Skills Development Authority director Joel Villanueva.
Aniya kailangan munang mapatunayang may sala ang isang tao bago ito panagutin sa batas.
"Dito sa bansa natin karapatan ng bawat isa ang pinangangalagaan at isa sa mga tenets ng ating batas 'innocent until proven guilty'. Hindi 'guilty until you prove yourself innocent'," sabi ni Aquino.
Kaugnay na balita: Napoles sinungaling, 'di dapat paniwalaan - Baligod
Pinabulaanan ni Abad ang paratang na siya umano ang nagturo kay Napoles kung paano palalaguin ang pondo ng bayan noong kinatawan pa lamang siya ng probinsiya ng Batanes.
Itinanggi na rin naman ni Alcala at Villanueva ang pagkakasangkot umano sa pork scam.
Nais ni Aquino na magkaroon muna ng matibay na ebidensya bago sampahan ng kaso ang mga opisyal ng gobyerno na idinadawit sa pang-aabuso ng Priority Development Assistance Fund.
Kaugnay na balita: Listahan ni Benhur hiningi ng Senado
"So palagay ko obligasyon ko sa sambayanan manigurado (na) 'pag naghain tayo ng kaso matibay ang ebidensya para talagang maparusahan 'yung nagkasala," banggit ni Aquino.
"Ngayon, ang kabaligtaran naman 'non, kung maghain ka lang ng haka-haka... parang walang basehan na akusasyon... madi-dismiss 'yung kaso," dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Aquino na kahit kaalyado niya ay mananagot sa batas oras na mapatunayang nagkasala.
- Latest