Umano'y listahan ng mga sangkot sa pork scam kumakalat
MANILA, Philippines — Habang umuugong ang mga panawagang ilabas na ang listahan ni Janet Lim-Napoles ng mga kakuntsaba sa pork barrel scam, kumakalat ngayon ang umano'y listahan kung saan nakasaad ang mga pangalan ng mga opisyal ng gobyerno na nang-abuso sa pondo ng bayan.
Kabilang sa kumakalat na listahan ang mga pangalan ng mga dati at kasalukuyang senador na sina Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile, Ramon "Bong" Revilla, Jr., Vicente Sotto, Loren Legarda, Koko Pimentel, Manny Villar, Allan Peter Cayetano, Gringo Honasan, Robert Barbers at Francis Escudero.
Umabot naman sa 53 dati at kasalukuyang miyembro ng House of Representatives ang nasa listahan, kabilang ang ngayo'y senador na si JV Ejercito.
Kaugnay na balita: 4 senador, 1 kalihim sa pork scam pinangalanan ni Lacson
Bukod sa listhan ni Napoles na ibinigay sa Department of Justice, mayroon ding hawak na listahan si dating Senador Panfilo Lacson, prime witness na si Benhur Luy, at jueteng scandal whistleblower Sandra Cam.
Sinabi ni Lacson na 21 senador at 90 kongresista ang nasa pinagsamang listahan ng mga kasabwat sa pork barrel at Malampaya Fund scam.
Samantala, ayon kay Cam ay 16 na senador at 82 kinatawan lamang ang nasa kanyang listahan na nagmula sa ayaw niyang pangalanang source.
Kaugnay na balita: Senado sa DOJ: Napoles list isuko
Kahapon ay sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III na hindi nagtutugma ang mga pangalang nakasaad sa nakita na niyang dalawang listahan.
Nakatakdang ibigay ni Justice Secretary Leila de Lima ang listahan sa Senado matapos itong ipa-subpoena ni Senate Blue Ribbon Committee chairman TG Guingona.
- Latest