DFA: 2 menor na Chinese fishermen pakakawalan
MANILA, Philippines — Pakakawalan ng gobyerno ng Pilipinas ang dalawang menor de edad na kabilang sa 11 Chinese poachers na inaresto ng Philippine National Police Maritime Group sa karagatang malapit sa Palawan.
"The two were confirmed to be minors after a medical check-up conducted by our medical authorities," ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon sa DFA, ang dalawang menor na Tsino ay ibibigay sa regional office ng Department of Social Welfare and Development sa Palawan.
Nalambat ng mga tauhan ng Maritime Group ang pangisdang bangkang Qiongquionghai 09063 malapit sa Half Moon shoal na kilala sa Pilipinas bilang Hasa-Hasa shoal.
Nakuha sa bangka ng mga Tsinong mangingisda ang 500 sea turtles.
Iginiit ng gobyerno ng Pilipinas na ginagawa lamang ng pulisya ang responsibilidad nito na ipatupad ang batas hinggil sa environmental protection and wildlife conservation.
Pinipilit naman ng China ang Pilipinas na pakawalan ang mga ilegal na mangingisda at sinabing ang pag-aresto sa mga ito ay "provocative" kaugnay na rin ng South China Sea dispute ng dalawang bansa.
- Latest