Malacañang kumpiyansang matutuloy ang ibang kaso vs GMA
MANILA, Philippines — Naniniwala ang Palasyo na hindi magagaya sa fertilizer fund scam ang iba pang kaso laban sa dating Pangulo at ngayo'y Pampanga representative Gloria Macapagal Arroyo.
Ibinasura noong Mayo 2 ng Office of the Ombudsman ang kasong pandarambong ni Arroyo kaugnay ng P728-million fertilizer funds dahil sa kawalan ng matibay na ebidensiya.
Kumpiyansa ang Palasyo na ang ibang kaso laban sa dating Pangulo ay may patutunguhan dahil sa mga matitibay na ebidensya.
Kaugnay na balita: GMA abswelto sa fertilizer scam
"Ang mga kasong inihaharap ng kasalukuyang administrasyon ay nababatay sa konkretong ebidensya at sa buong pagsisikap na mapatunayan ito sa ating mga hukuman alinsundod sa mga proseso ng katarungan ng ating bansa," wika ni Presidential Communication Operations Office head Herminio Coloma Jr. "Walang ganyang pangangamba."
Si Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang naglabas ng walong-pahinang desisyon kung saan lumabas na walang matibay na ugnayan sa pagitan ni Arroyo at ng dating agriculture secretary Luis "Cito" Lorenzo at dating undersecretary Jocelyn "Jocjoc" Bolante na kapwa nakasuhan ng plunder sa Sandiganbayan noong 2011.
Iginiit ni Coloma na nirerespeto ng Palasyo ang naging desisyon ni Carpio-Morales.
Sa kasalukuyan ay naka-hospital arrest si Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center para sa umano'y maanomalyang paggamit ng P360 milyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
- Latest