Ayuda sa mga biktima ni ‘Yolanda’, 500 bahay at 2 klasrum itinayo
MANILA, Philippines - Umaabot sa 500 bahay at limang yunit ng paaralan na may dalawang klasrum bawat isa, ang itinayo ng Filipino Chinese community para sa mga pamilyang nakaligtas sa pananalanta ng bagyong Yolanda sa Bgy. Barayong, Palo, Leyte.
Ito ay bilang pagpapatuloy ng nakagisnang pagtulong sa mga naging biktima ng trahedya at mga kababayang kapos ng FedeÂration of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII), FFCCCII Foundation Inc., Federation of Filipino-Chinese Associations of the Philippines, World News Daily, Filipino-Chinese Amity Club, Overseas Chinese Alumni Association of the Philippines, Filipino-Chinese Shin Lian Association at ng Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc.
Kamakailan, pinangunahan nina FFCCCII President Alfonso Siy, Chairman Emeritus Lucio Tan, Leyte Governor Leopoldo Dominico Petilla, Energy Secretary Carlos Jericho Petilla at mga executive official ng walong organisasyon ang groundbreaking at capsule-laying ceremony para sa nasabing proyekto.
Tatawagin itong “Filipino-Chinese Friendship Village†kapag tuluyan nang nakumpleto.
Tinatayang nasa P40 milyon ang gagastusin sa mga itatayong 500 bahay habang P2 milyon bawat isa sa 5 units ng barrio schools na may tig-2 klasrum.
Umaabot sa limang ektaryang lupa sa Bgy. Barayong ang ipinagkaloob ng lokal na pamahalan ng Leyte kung saan itatayo ang mga kabahayan at paaralan.
Noong Pebrero, isang kasunduan para sa konsÂtruksiyon ng mga bahay at eskuwelahan ang nilagdaan nina FFCCCII President Siy at Leyte Gov. Petilla sa Malacañang sa harap mismo ni President Aquino.
“Kaya sa loob lamang ng ilang buwan na paghihintay, 500 pamilya na ang magkakaroon ng bagong bahay at daan-daang batang mag-aaral ang makapagsisimula na ng klase sa kanilang magiÂging bagong eskuwelahan sa darating na pasukan. Umaasa tayo na ang mga bahay na ito ay makatutulong sa pagsisimula ng bagong buhay ng mga residenteng nasalanta ni Yolanda. Labis po kaming nagagalak sa oportunidad na ipinagkaloob para kami’y makapagbigay ng suporta at tulong sa mga naapektuhan ng bagyo sa Leyte,†nagagalak na sabi ni Siy sa groundbreaking rites.
Nauna na ring nagtayo ng “Filipino-Chinese Friendship Village†ang FFCCCII sa Cagayan de Oro City na nabiktima naman ng bagyong Sendong noong 2011.
Sa kasalukuyan, ang naturang walong Filipino-Chinese organizations ay nakapagbahagi na ng 50,000 relief packages sa mga naapektuhang lalawigan na kinabibilangan ng Leyte, Samar, Iloilo, Capiz, Negros Occidental, Mindoro at Palawan. Ginawa nila ito, agad-agad matapos manalanta ang bagyong Yolanda.
Nagbigay din ang grupo ng logistical support para sa pagta-transfer ng mga heavy equipment, personnel, relief goods at volunteer workers mula sa Manila patungo sa mga naapektuhang lugar.
Nakapagpadala rin ng sari-saring gamot ang FFCCCII Foundation para suportahan ang mga medical mission sa Yolanda survivors.
- Latest