RP-US Balikatan 2014 umarangkada na
MANILA, Philippines - Isang linggo matapos ang pagbisita ni US President Barack Obama sa bansa, umarangkada na kahapon ang taunang PH-US Balikatan 2014 military exercises na naglalayong palakasin pa ang maritime surveillance operations at humanitarian civic assistance at disaster response.
Si Obama ay nangako ng “ironclad’ na pagdepensa o pagsaklolo sa Pilipinas laban sa sinumang bansa na magtatangkang agawin ang teritoryo nito na bagaman hindi naman direktang tinukoy ay tinamaan ang China sa pagiging agresibo nito sa mga inaangking isla sa West Philippine Sea.
“Regular bilateral training and operations develop strong bonds and effective teamwork which enable rapid and effective action in times of crisisâ€, pahayag ni US Ambassador Philip Goldberg sa pagbubukas ng PH-US Balikatan 2014 sa Camp Aguinaldo kahapon.
Bago umalis si Obama sa Pilipinas noong nakalipas na linggo ay tiniyak nito na tatalima ang Estados Unidos sa 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) na nagpapatatag pa sa alyansa sa pagitan ng kanilang bansa at ng Pilipinas.
Ayon naman kay Lt. Annaleah Cazcarro, Co-Director ng Combined Joint Information Bureau ng Balikatan 2014 ang ika-30 Balikatan drills ay nilahukan ng 3,000 sundalong Pinoy at 2,500 tropang Kano na tatagal hanggang Mayo 16.
Sa taong ito, si AFP Major Gen. Emeraldo Magnaye ang tumatayong Philippine Exercise Director for Balikatan 2014 habang si US Marine Commandant Lt. Gen. Terry Robling naman ang US Executive Agent ang counterpart nito.
Inihayag pa ni Cazcarro na ang PH-US Balikatan 2014 ay tatampukan ng live fire drills, search and rescue operations at humanitarian civic and disaster response sa mga piling lugar sa Zambales, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Legazpi City, Albay; Palawan, Crow Valley, Tarlac at iba pa.
- Latest