25 pang pulis sinibak sa diagram
MANILA, Philippines - Anim pang opisyal at 19 tauhan ng pulisya na nasa diagram ng umano’y mga sangkot sa illegal drug trade at cybersex operations sa Central Luzon ang sinibak sa puwesto kahapon.
“I just approved the recomÂmendation of my staff for the administrative relief of all Police Commissioned Officers and Police Non Commissioned Officers listed in the report to pave the way for the investigation being conducted by the NCRPO “, ani Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Raul Petrasanta.
Ang nasabing mga pulis ay kabilang sa mahigit 30 pulis na isinangkot ng inambus na si Chief Inspector Elmer Santiago sa ginawa nitong diagram na sana’y dadalhin sa tanggapan ni PNP Chief Director General Alan Purisima ng mangyari ang pananambang sa behikulo ng opisyal.
Si Santiago ay pinagbabaril ng riding in tandem sa Brgy. Malamig, Mandaluyong City noong Abril 16 kung saan nasawi ito sa insidente habang malubha namang nasugatan ang kaniyang misis.
Una rito, sinibak ni NCRPO Chief P/Director Carmelo Valmoria sina Supt. Maristelo Manalo ng Regional Police Holding unit ng NCRPO at Supt Robin King Sarmiento, Deputy Chief of Operations ng Parañaque City Police.
Sinabi ni Petrasanta na ang pagsibak sa nasabing mga pulis ay upang mapabilis ang pagpriprisinta sa mga ito sa imbestigasyon. Pansamantala munang hindi tinukoy ng opisyal ang mga pangalan ng mga nasibak na mga pulis dahilan sa masusi pang sinisiyasat ang kaso.
Nabatid na ang sinibak na mga opisyal at kanilang mga tauhan ay nakatalaga sa mga bayan ng Hermosa, Dinalupihan, Orani at Limay, Balanga City, Bataan at Subic, Zambales kung saan sabit ang mga ito sa operasÂyon ng droga pero tuloy pa rin ang illegal na aktibidades ng kanilang mga sindikato.
Gayundin maging sa cybersex na nambibiktima ng mga walang muwang na kabataang Pinoy.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na ang mga opisyal na isinasangkot ni Santiago sa illegal na aktibidad sa ginawa nitong diagram ay mga mistah niya mismo sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class 1996.
Si Santiago ay dating nakatalaga sa Personnel Holding and Administrative Unit sa Central Luzon Police Regional Office.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni PNP Spokesman Sr. Supt. Wilben Mayor na walang magaganap na whitewash sa nasabing kaso.
- Latest