Kapakanan ng mga empleyado isinulong SSS nakipagkasundo sa DILG at DSWD
MANILA, Philippines - Upang maprotektahan ang kapakanan ng milyong manggagawa sa public sector, lumagda sa isang kasunduan ang Social Security System (SSS) sa pagitan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para bigyan ng SSS coverage ang mga Job Order (JO) at contractual personnel ng naturang mga ahensiya bilang mga self-employed members.
Ayon kay Judy Frances See, SSS Senior Vice President for Account Management, benepisyaryo ng programang ito ang may 100,000 manggagawa sa DILG at 12,000 naman sa DSWD na pawang mga JO at contractual employees.
Ang mga contractuals at JO workers ay hindi miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) dahil ang mga ito ay pawang hindi regular employees sa naturang mga ahensiya. Ang mga miyembro ng GSIS ay mga regular employees sa mga tanggapan ng gobyerno at iba pang pampublikong tanggapan.
Sa pamamagitan ng pagpapasailalim bilang self-employed SSS members, ang mga JO at contractual workers ay maaari nang makatanggap ng benepisyo tulad ng ibang regular employees sa private sector tulad ng maternity, sickness, disability, retirement at death benefits.
- Latest