Pyramid scam suspek timbog sa QC
MANILA, Philippines – Nadakip na ng mga awtoridad ang nasa likod ng isang pyramiding scam na bumiktima sa 4,000 katao sa loob ng dalawang taon.
Matapos ang isang dekadang pagtatago, nasa kustodiya na ng mga pulis ang isa sa mga principal suspek sa panloloko na si Estela Ledesma, 63, na residente ng Fairmont Subdivision, Fairview, Quezon City.
Nasakote si Ledesma nitong Biyernes ng gabi habang nasa debut ng kanyang apo sa Casa Milan Subdivision, Commonwealth Avenue, Quezon City.
Nakorner si Ledesma sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Muntinlupa Regional Trial Court para sa 10 counts ng syndicated estafa na walang piyansa.
Kabilang ang suspek sa investment scam ng Mateo Group Holdings Co. Ltd. at MMG International Management Group na bumiktima sa 4,000 katao noong 2001 hanggang 2003.
Base sa pagsisiyasat ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police ay nasa 700 arrest warrant ang nakalabas laban kay Ledesma mula sa iba’t ibang korte sa Las Piñas, Makati at Muntinlupa.
Bukod sa syndicated estafa, nahaharap pa ang grupo ni Ledesma sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code of the Philippines na isinampa sa kanila ng Department of Justice
- Latest