738 megawatts matitipid sa Earth Hour
MANILA, Philippines - Aabutin ng 738 megawatts ng kuryente ang inaasahang matitipid sa isang oras na pagpapatay ng ilaw ng mga Pilipino sa pakikiisa sa Earth Hour kagabi.
Ang Earth Hour ay bahagi ng global movement ng bawat mamamayan sa mundo para labanan ang climate change.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang 738 megawatts na matitipid na kuryente ay katumbas ng 508 tons na bawas sa carbon dioxide emission sa bansa.
Sinasabi ng DENR na ang pagpapatay ng ilaw ng isang oras ay isang bahagi ng mensahe sa buong mundo para makatipid sa enerhiya para sa malaking pagbabago.
Ang Pilipinas ay kinilalang Earth Hour Hero Country dahil ito ang may palagiang may pinakamaraming bayan at lunsod na nakikiisa sa Earth Hour simula nang ito’y sumali noong 2009.
- Latest