Cudia maaaring pagbayarin ng P2-M sa PMA
MANILA, Philippines — Kinakailangang magbayad ng sinumang kadeteng nasipa sa Philippine Military Academy (PMA) ng katumbas na halaga ng mga ginastos ng gobyerno sa kanyang pag-aaral kapag napatalsik at napatunayang nagkasala.
Ito ang sinabi ni PMA Commandant of Cadets Col. Rozzano Briguez na mayroong patakaran sa PMA na maaaring tamaan ang kontrobersyal na kadeteng si 1st Class Jeff Aldrin Cudia.
"Technically, isa 'yan sa mga policy natin ... kailangan ibalik if the cadet is at fault," wika ni Briguez sa isang panayam sa radyo ngayong Huwebes.
Kaugnay na balita: PNoy pinag-aaralan na ang kaso ni PMA cadet Cudia
Napatunayang nagsisinungaling si Cudia sa kanyang rason matapos dumating ng late sa klase.
Isang paglabag sa Honor Code ng PMA ang pagsisinungaling kaya naman hinatulan siya ng administrative dismissal.
Ayon sa kapatid ni Cudia na si Annavee ay nasa P2 milyon ang ginagastos ng gobyerno bawat kadete.
Kaugnay na balita: Honor Code ng PMA tatanungin ng Palasyo kung kailangan repasuhin
Nakasalalay ang desisyon kung makakapagtapos nga ba si Cudia kay Pangulong Benigno Aquino III na siya ring commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines.
Samantala, kung makalusot man si Cudia ay sinabi ni Briguez na hindi rin makakapagmartsa sa Linggo ang kontrobersyal na kadete.
"Kung sakali pong papayagan siyang pwedeng makatapos, may mga requirements po hindi lang natapos this year dahil hindi siya makakasabay sa mga kaklase niya ngayong linggo. Kailangan pong tapusin ang mga requirements niya," banggit ni Briguez.
Kung hindi man palarin at tuluyang masipa sa PMA ay snabi ni Briguez na maaaring lumipat ng paaralan si Cudia na hindi kailangang ulitin ang buong kolehiyo.
"Kumpleto po ang academic transcript of records niya, 'yan naman pwede niyang magamit kung sakaling mag-aaral ulit siya."
- Latest