Kaso ni Cudia idudulog sa korte
MANILA, Philippines - Idudulog sa korte ng kampo ni Philippine Military Academy Cadet Jeff Aldrin Cudia ang kaso sakali’t mabigo ang kanilang apela na payagan itong makasama sa graduation ceremony sa PMA sa darating na Linggo (Marso 16).
Kahapon, personal na nagtungo ang pamilya ni Cudia sa pangunguna ng ama nitong si Renato Cudia kasama si Public Attorneys Office (PAO) Chief Atty. Percida Acosta na nagsumite ng apela sa liderato ng AFP sa Camp Aguinaldo para mapabilang sa mga gagradweyt si Cudia.
Ayon kay Atty. Acosta, malaki ang kanyang paniniwala na hindi dumaan sa tamang proseso ang pagpapatalsik kay Cudia na magtatapos sanang salutatorian.
Anya, nais niyang maiparating kay AFP chief of staff Emmanuel Bautista na matingnan kung may nangyaring anomalya sa pagdedesisyon sa natuÂrang kaso.
Sinasabi rin na tanging si Pangulong Aquino na bilang Commander-in-Chief ang maghahayag ng pinal na desisyon sa kaso ni Cudia kung di ito masosolusyunan sa AFP.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na wala pa sa Palasyo ang apela ni Cudia kaya wala pang pahayag ang tanggapan ng Pangulo sa magiging kapalaran ng sinipang kadete.
Wika ni Sec. Lacierda, wala ring kasiguruhan kung mahaharap ni Pangulong Aquino ang pamilya ni Cudia sakaling personal na umapela ito sa Malacañang.
Una rito, sinabi ng AFP na hindi na makakasama si Cudia sa mga magsisipagtapos sa PMA Siklab Diwa Class 2014 dahil sa paglabag sa Honor Code ng mahuli ng 2 minuto sa isa sa klase nito kung saan hindi naibigan ng Honor Committee ang katwiran nito.
Binigyang diin ni Acosta na sapat ang parusang naranasan ni Cudia kabilang na rito ang pagkawala sa honor roll. Si Cudia ay dapat na magtapos bilang No. 2 sa top 10 at top sa Navy Class bukod pa sa pagiging Class Baron.
- Latest