Cha-Cha baka talakayin sa Senado pagkatapos ng FOI
MANILA, Philippines – Matapos lumsuot sa Senado ang Freedom of Information Bill, sinabi ni Senate President Franklin Drilon na baka isunod nilang pag-usapan ang Charter Change.
Sinabi ni Drilon sa kanyang panayam kay Joe Taruc ng DZRH na kailangan munang lumusot ang Cha-Cha sa Kamara bago nila pag-usapan sa Senado ang pagbabago ng economic provisions ng Saligang Batas.
"Ang usapan namin dito Joe, uunahin namin ang FOI Bill. Sa Kamara, uunahin nila ang Cha-Cha. Pagkatapos nila ng Cha-Cha, kung maipasa nila yung Cha-Cha, aming tatalakayin sa Senado. Yan po ang usapan namin ni Speaker Belmonte," wika ni Drilon ngayong Martes.
Kaugnay na balita: FOI bill aprub sa Senado
Isinusulong ni House Speaker Feliciano Belmonte ang pagbabago ng naturang probisyon sa Saligang Batas upang payagan ang mga dayuhang magkaroon ng pagmamay-ari ng lupa at negosyo sa Pilipinas.
Gumugulong na ang Cha-Cha sa Kamara matapos lumusot sa House committee on constitutional amendments sa kabila ng pagkontra ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Belmonte na tatalakayin nila ang Cha-Cha sa muling pagbubukas ng Kongreso sa Mayo 5.
- Latest