Napoles dinala sa Camp Crame
MANILA, Philippines - Inilabas ng kulungan ang itinuturong nasa likod ng bilyung-bilyong pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles ngayong Miyerkules upang sumailalim sa ilang pagsusuri dahil sa hinihinalang ovarian tumor.
Pasado alas-4 ng madaling araw inilabas ng kanyang kulungan si Napoles sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa City, Laguna patungo sa hospital ng Camp Crame sa Quezon City.
Pinaniniwalaang sakay si Napoles ng una sa dalawang convoy na dumating bandang alas-7 ng umaga.
Sasailalim sa ilang pagsusuri si Napoles kagaya ng blood test at transvaginal ultrasound.
Nauna nang hiniling ng kampo ni Napoles na magpatingin at magpa-hospital arrest sa St. Luke's Hospital sa Bonifacio Global City sa Taguig City.
"These comprehensive examinations and medical procedures cannot be conducted inside the Fort Sto. Domingo, where accused is currently detained, for lack of facilities," pahayag ng abogado ni Napoles na si Faye Isaguire Singson.
Hindi pinayagan ng Makati Regional Trial Court si Napoles dahil iginiit ni Senior Inspector Michael Angelo Luna na kaya naman ng pasilidad at mga doktor ng PNP ang mga nais ipasuri ni Napoles.
Dagdag niya na may sapat na pasilidad at kagamitan ang naturang hospital gayun din ang mga kinakailangang obstetrician at gynecologist.
- Latest