Napoles biyaheng Crame
MANILA, Philippines - Plantsado na ang seguridad para sa pagbibiyahe ni Janet Lim Napoles na sasailalim sa serye ng medical check-up sa PNP General Hospital sa Camp Crame ngayon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, si Napoles ay ieskortan ng mga tauhan ng PNP-Special Action Forces at Regional Public Safety Battalion mula sa detention cell nito sa Fort Sto. Domingo, Sta Rosa City, Laguna patungong PNP Headquarters sa Camp Crame, Quezon City. Tumanggi si Sindac na tukuyin kung anong oras ibibiyahe si Napoles para umano sa sarili nitong seguridad.
Una rito, inaprubahan ng Makati Regional Trial Court Branch 150 ang pagpapa-checkup ni Napoles sa labas ng Fort Sto. Domingo para sa posibleng ovarian tumor nito.
Si Napoles ay dumaranas ng matinding ‘menstrual bleeding’ sa loob ng siyam na araw kaya kailangang masuring mabuti ang kondisyon ng kalusugan nito bukod pa sa iba pa nitong karamdaman kabilang ang diabetes.
Sasailalim si Napoles sa ultrasound, blood tests, transvaginal ultrasound upang madetermina kung may tumor ito sa kaniyang matris o obaryo. Ang pagsusuri kay Napoles ay tatagal lamang ng halos kalahating araw bago ito ibalik muli sa Fort Sto. Domingo, Sta Rosa City.
- Latest