Misis ni Tado nagpakalbo sa harap ng Florida bus
MANILA, Philippines - Nagpakalbo ngayong Miyerkules ang may bahay ng namayapang artista at aktibistang si Arvin "Tado" Jimenez sa harap ng terminal ng GV Florida Bus sa Sampaloc, Maynila.
Ginawa ito ni Lei Jimenez bilang sigaw sa paghingi ng hustisya para sa kanyang asawa at sa iba pang biktima ng tumilapong Florida Bus sa isang bangin sa Bontoc, Mountain Province noong Pebrero 7.
Sinabi ng ina sa apat nilang anak ni Tado na wala pa silang nakukuhang tulong mula sa pamunuan ng naturang bus company.
"This unfortunate loss of so many lives was caused by the irresponsibility of the GV Florida Bus Lines and the Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)," pahayag ni Lei.
"They should be made accountable and justice should be served to the victims and their families," dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Jimenez na kakasuhan nila ang Florida bus transit dahil sa kapabayaan nila na ikinasawi ng 17 katao.
Matapos ang ginawang protesta sa harapan ng terminal ay tutuloy sa opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) si Lei upang dumalo sa pagdinig ng kaso.
Lumabas sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na ilegal ang operasyon ng nahulog na bus at mali ang plakang gamit.
Sinuspinde na ng LTFRB ang operasyon ng Florida transit habang isinasagawa ang imbestigasyon.
- Latest