Trapik sa MM gagaan sa 2017
MANILA, Philippines - Inaasahang tuluyan nang gagaan ang daloy ng trapiko sa Metro Manila sa taong 2017 sa sandaling matapos na ang P27 bilyong Metro Manila Skyway Stage 3 (MMS) project na mula Buendia sa Makati City hanggang sa Balintawak, Quezon City.
Ang groundbreaking ceremony para sa nasabing major infrastructure project ay idinaos kahapon ng Citra Central Expressway Corporation (CCEC) na siyang mag-i-implementa ng proyekto, kasama ang mga kinatawan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at ng Toll Regulatory Board (TRB).
Sakop ng proyekto ang konstruksiyon ng 14.82-km na karamihan ay 6-lane elevated expressway, na magpapalawak sa kasalukuyang Skyway mula sa Buendia sa Makati at pabalik sa Balintawak sa QC. Sisimulan ang konstruksiyon ng proyekto sa Abril 2014 at inaasahang matatapos sa 2017.
Makatutulong umano ang proyekto para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa Metro Manila partikular na sa EDSA, Quezon Ave., Araneta Ave., Nagtahan at iba pang pangunahing lansangan sa Metro Manila ng hanggang 55,000 behikulo araw-araw.
Inaasahan ring mababawasan ang travel time mula Buendia hanggang Balintawak ng mula 2 oras hanggang 20 minuto.
Ilan pa sa proyektong isinusulong ng DOTC upang mapagaan ang traffic situation sa Metro Manila ay ang NLEX-SLEX Connector Road ng Metro Pacific group, at ang Integrated Transport System (ITS) terminals, na magse-centralize sa passenger exchange sa pagitan ng mga provincial buses at in-city transportations tulad ng LRT at MRT, taxi, at city buses.
Nagsasagawa na rin ng bidding ang DOTC sa Southwest Terminal Public-Private Partnership (PPP) project sa Coastal Road sa Parañaque na magpapaluwag naman ng daloy ng trapiko mula sa Cavite.
Batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), tinatayang P2.4 bilyon ang nawawala araw-araw dahil sa traffic sa Metro Manila.
- Latest