Processed foods mula Japan kontaminado ng malathion
MANILA, Philippines - Pinababawi ng Food and Drugs Administration (FDA) sa mga merkado ang mga processed food products na mula sa Japan upang matiyak na hindi ito maipagbibili sa bansa.
Lumilitaw na Disyembre 29, 2013 nang simulan ng Maruha Nichiro Holdings ang pagbawi sa may 6.4 milyong pakete ng iba’t ibang frozen foods sa Japan, matapos matuklasang kontaminado ito ng malathion pesticide at naging sanhi na nang pagkakasakit ng may 556 katao doon.
Batay sa advisory ng FDA, nabatid na ang produktong mula sa Maruha Nichiro Holdings ay hindi rehistrado sa FDA.
Inatasan na rin ng FDA ang Bureau of Customs na bantayan ang mga posibleng pagtatangkang maipasok sa bansa ang mga naturang produkto.
Tiniyak din ng FDA na tanging ang mga processed food products lamang na rehistrado at inangkat ng mga FDA-licensed food distributors ang pinapayagang makapasok sa bansa.
Inaalam na rin ng mga FDA regulation officer kung posibleng naipasok na ng illegal sa bansa ang mga naturang produkto at kung naipagbibili na ito sa mga groceries at supermarkets.
Sakaling madiskubreng ipinagbibili na ito sa merkado ay tiniyak ng FDA na kaagad nila itong kukumpiskahin.
- Latest