37 na patay sa walang tigil na ulan!
MANILA, Philippines - Pumalo na sa 37 ang death toll matapos na ang nararanasang Low Pressure Area (LPA) sa Visayas at Mindanao may ilang araw na ay maging ganap na bagyong Agaton na nakaapekto na rin sa halos 500,000 katao.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario, nasa P265,166, 860.15 milyon na rin ang naitalang pinsala ni Agaton sa imprastraktura at agrikultura sa Region IX (Zamboanga Peninsula), Region X (Northern MinÂdanao), Region XI (Davao Region) at Region XIII (Caraga).
Pinakabagong nadagdag sa talaan ng mga nasawi sina Guadalupe Adlawan, 70, nalunod sa Brgy. Tagbaros, Maco ; Margyln Warain, 33; Ramil Legaspi, Nino Madindin, Alfredo Moses, Roy Baron, Misael Cabales at Norvin Alvarez na pawang nasawi sa landslide sa Brgy. Bangol, Tarragona at mga taga Compostela Valley.
Nawawala naman ang pito kataong sina Leodegario Berto, 60, ng Polanco, Zamboanga del Norte; Germania Faustino,40 at Revieson Warain, 7 anÂyos; kapwa ng Mt. Diwata, Monkayo, Compostela Valley; Eddie Largo ng Brgy. Ngan, Compostela, Compostela Valley; Antonio Mania ng Brgy. Andap, New Bataan; Francisco Rivera ng Tagum City, Davao del Norte at Miriam Luyan ng Lupon, Davao del Norte. Ang mga ito ay naitalang biktima ng flashfloods at landslide.
Si Agaton, ayon pa sa opisyal ay nagdulot rin ng 13 insidente ng landslide, anim na mga pagbaha at dalawang sakuna sa karagatan.
Nasa 97,705 pamilya o kabuuang 466, 911 katao naman ang naapektuhan sa 564 barangay sa 92 munisipalidad sa 15 lalawigan.
Sa nasabing bilang ay nasa 33,544 pamilya o katumbas na 162,502 katao ang pansamantalang kinukupkop sa 438 evacuation centers.
Inihayag pa ni del Rosario sa kasalukuyan ay nasa 52 kalsada at 21 tulay ang hindi pa rin madaanan sanhi ng mga pagbaha.
Napinsala naman ang mga tubo ng tubig sa Mate, Bacolod Water System, Brgy. Purukan at Brgy. Bosque Linamon sa Lanao del Norte.
Naitala naman sa 708 bahay ang nawasak habang nasa 918 ang nagtamo ng pinsala sa mga naapektuhang lugar .
Samantalang, nasa 14 tulay, 44 kalsada at 8 pampublikong imprastraktura ang nasira at 12, 226 hektarya mula sa agrikultura.
Nagpadala na ang NDRRMC ng karagdagang mga kagamitan at tauhan para tumulong sa search and rescue operation sa mga naapektuhang lugar.
- Latest