15 lugar nasa state of calamity dahil sa LPA
MANILA, Philippines - Isinailalim na sa state of calamity ang 15 lugar dahil sa Low Pressure Area (LPA) na nagdulot na ng landslide at flashflood sa ilang bahagi ng Mindanao.
Tinukoy ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario ang mga bayan ng Kapalong, Carmen, Asuncion, New Corella at Tagum City sa Davao del Norte; Kauswagan sa Lanao del Norte; Sta. Josefa at Sibagat sa Agusan del Sur; Butuan City sa Agusan del Norte; Tarragona, Manay, Caraga, Baganga, Cateel at Boston sa Davao Oriental.
Sa pinagsamang ulat ng Office of Civil Defense Region 1X, X, X1, Caraga at pulisya, umaabot na sa 34 ang death toll sanhi ng LPA sa mga naapektuhang lugar.
Karamihan sa mga nasawi ay sanhi ng landslide at pagragasa ng flashflood.
Kabilang sa mga nasawi ay 15 sa Caraga Region, dalawa sa Misamis Oriental, dalawa sa Zamboanga del Norte at 15 sa Region XI (Davao Region).
Sampu ang nawawala habang 36 pa ang nasugatan.
Nasa 71,482 pamilya o kabuuang 339,870 katao ang naapektuhan ng kalamidad sa 355 barangay sa 62 munisipalidad, 14 lalawigan sa Region X, XI at Caraga Region kung saan 71 kalsada at 37 tulay ang hindi madaanan.
Nasa 293 kabahayan ang nawasak habang 1,039 ang nagtamo ng pinsala.
- Latest