Patay sa walang tigil na ulan sa Mindanao tumaas pa
MANILA, Philippines - Lumobo pa ang bilang ng mga nasawi dahil sa pagragasa ng baha at pagguho ng lupa, ayon sa disaster response agency.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Huwebes na umabot na sa 26 ang kumpirmadong patay dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Bukod sa mga nasawi ay nasa 11 katao ang pinaghahahanap, habang 36 ang sugatan mula sa regions 9, 10, 11 at Caraga.
Sinabi pa ng NDRRMC na 71,000 pamilya o 339,000 katao ang apektado ng kalamidad mula sa 62 bayan sa 14 probinsiya.
Kasalukuyang nananalagi sa 225 na evacuation centers ang 42,000 na pamilya o 206,000 katao, ayon pa sa state disaster response agency.
Samantala, umabot naman sa 247 na pasahero ang na-stranded sa mga pantalan dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng low pressure area.
Labing-isang tulay, 11 kalsada at anim na gusali ng gobyerno ang sinira ng malakas na pagragasa ng baha sa Regions 10, 11 at Caraga.
Hindi rin nakaligtas ang 10,903 hektarya ng mga pananim sa Region 11 at Caraga, dagdag ng NDRRMC.
- Latest