LPA posibleng maging bagyo
MANILA, Philippines - May tsansa na maging ganap na bagyo ang low pressure area (LPA) na patuloy na nananalasa sa Mindanao.
Ito ayon kay Samuel Duran, weather forecaster ng Pagasa ay dahil nagbago ang direksyon ng LPA kaya mas tumaas ang tsansang maging bagyo ito.
Anya, kahapon ay northeastward na ang tinutumbok ng LPA o pakanan patungong Karagatang Pasipiko.
Huling namataan kahapon ng umaga ang LPA sa karagatan sa layong 100 kilometro ng silangan ng Borongan, Eastern Samar.
Sinabi ni Duran na sobÂrang bagal ng pagkilos ng LPA at halos hindi gumagalaw kaya lalong itong nagbabadya ng panganib kayat dapat mag-ingat ang mga residente doon.
Asahan naman ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Kabikulan, silangan at gitnang Kabisayaan; Caraga Region at Hilagang Mindanao at banta din dito ang landslide at flashfloods.
Mula Dagat Pasipiko, kakambyo muli ang LPA pabalik sa bansa at sakaling matuloy ito, posible itong mag-landfall sa Eastern Visayas at lalabas naman sa Palawan.
Kung ganito ang mangyayari at mabagal pa rin ang pagkilos ng LPA , posibleng hanggang sa susunod na linggo ay nasa Philippine Area of Responsibility (PAR) pa rin ang sama ng panahon.
- Latest