Libo sugatan sa ‘Traslacion’ ng Nazareno
MANILA, Philippines - Umabot sa 1,000 deboto ng Itim na Nazareno ang nasugatan sa ‘Traslacion’ nito na dinaluhan ng mahigit 3 milyong deboto, kahapon ng umaga.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, nasa 900 ang kanilang nabigyan ng medical attention kabilang ang hinimatay, na-high blood, tumaas ang blood sugar, nabubog at nagasgasan. Walo ang dinala sa mga ospital dalawa rito ay na-stroke, 2 ang nanikip ang dibdib, 3 ang nabalian at isa ang nangisay.
Sa hiwalay na report ng Philippine Red Cross, may 615 pasyente ang dinala sa kanila hanggang alas-2 ng hapon.
Tulad ng inaasahan mas lalo pang dumami ang sumama sa prusisyon o namamanata sa Itim na Nazareno dala ang kanilang mga panalangin at sakripisyo.
Dakong alas 7:35 ng umaga nang nagsimula ang traslacion o prusisÂyon ng imahe ng Itim na Nazareno pabalik sa Quiapo Church matapos ang isang misa sa Quirino Grandstand na pinaÂngunahan ni Manila Archbishop Antonio Cardinal Tagle.
Halos hindi makausad ang andas na kinalaÂlagyan ng imahe dahil sa dami ng mga debotong nagsisiksikan upang makalapit para makahalik at maipunas ang kanilang bitbit na mga tuwalya.
Ang paglilipat lamang sa poon mula sa grandstand paakyat sa andas nito ay inabot ng kalahaÂting oras dahil sa balyahan at tulakan ng mga deboto.
Habang patungo sa Quiapo Church, nagkaroon ng ‘tug of war’ ng mga deboto kung saan ang isang grupo ay nagnanais na maidaan pa rin sa McArthur bridge ang imahe habang ang isang grupo ay nais na idaan sa napagplanuhang ruta na Jones Bridge.
Tinangka ring alisin ng mga deboto ang mga container van na hinarang sa paanan ng MacArthur Bridge subalit hindi rin naidaan dito ang imahe.
Matatandaan na nagkasundo ang pamunuan ng Quiapo church at DPWH na sa Jones Bridge idaan ang imahe dahil na rin sa peligrong dulot ng McArthur Bridge.
Ayon sa mga opisyal, marupok na ang pundasyon ng tulay kaya’t kinakailangan nilang baguhin ang ruta.
Kapansin-pansin naman ang mas mabilis na pag-usad ng prusisyon, na marahil ay bunsod umano ng mas maagang pagdaraos ng pahalik sa Quirino Grandstand, kumpara sa mga nakalipas na taon.
Sa pagtaya ng mga otoridad, maaring abutin ng 18 oras ang prusisyon bago maibalik ang imahe ng Poon sa Quiapo Church.
- Latest