Virus na sanhi ng tigdas outbreak inaalam na
MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng Department of Health kung anong virus ang dahilan ng pagkakaroon ng measles outbreak sa limang pangunahing lungsod sa Metro Manila.
Ayon kay Dr. Eric Tayag, sinusuri na ng Research Institute for Tropical Medicine ng DOH ang mga blood samples mula sa mga pasyenteng tinamaan ng tigdas kung ano ang sanhi ng pagkalat nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Isa yan sa mga tinitingnan. Baka may virus na matatagpuan lang sa ibang bansa pero nandito na din sa atin. Sa ngayon wala pang confirmation diyan,†sabi ni Dr. Tayag.
Mula Enero 1 hanggang December 21 ng 2013 umaabot sa 1,724 ang kaso ng tigdas, na dito ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng mga nabiktima na 744. Kabilang na rin dito ang 21 na namatay sa San Lazaro Hospital.
Patuloy ang panawagan ng DOH sa mga magulang na pabakunahan laban sa tigdas ang kanilang mga anak na may edad na 5 taon pababa.
Ang unang dose ng bakuna ay binibigay sa mga sanggol na anim na buwan hanggang 11 buwan habang ang ikalawang dose ay sa mga batang edad 12 buwan o isang taon.
Pinaalalahanan din ni Dr. Tayag ang mga magulang na huwag gumamit ng nakagawiang herbal medicine na kulantro bilang lunas sa tigdas dahil sa halip aniyang makagaling ay maging sanhi pa ng paglala.
- Latest