Taas contributions sa PhilHealth, SSS epektib na
MANILA, Philippines - Nagkabisa na nitong Enero 1, 2014 ang dagdag sa buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Social Security System (SSS).
Ang namamasukang miyembro ng PhilHealth na dating nagbabayad ng buwanang kontribusyon na P175 ay magbabayad na ngayon ng P200. Paghahatian ng employer at ng empleyado ang kontribusyon.
Magbabayad na rin ngayon ng kontribusyong P200 ang mga Self-employed PhilHealth members o individually paying members (IPMs) na dati ay nagbabayad ng P150 buwanang kontribusyon.
Ipinahayag ng PhilHealth noong Oktubre 2013 na ang mga IPM na merong buwanang kita na P25,000 at pababa ay magbabayad ng bagong premium annual rate na P2,400.
Bukod sa mga self-employed at voluntary member, kabilang din sa mga IPM ang mga nasa ilalim ng Kalusugang Sigurado at Abot-Kaya sa PhilHealth Insurance program at group enrollment scheme.
Tatlong iskema ng pagbabayad ang pagpipilian ng mga IPM: P600 per quarter, P1,200 semi-annually o P2,400 per annum.
Samantala, ang mga namamasukang miyembro ng SSS ay magbabayad ng dagdag na 0.3 porsiyento sa kanilang buwanang kontribusyon.
Ang self-employed, voluntary members at OFWs ay magbabayad ng dagdag na 0.6 percent buwan-buwan.
Ang isang empleyado na kumikita halimbawa ng P10,000 kada buwan ay magbabayad na ngayon ng P1,100 na ang P746.70 ay babalikatin ng employer.
Sasagutin ng mga self-employed, voluntary members at OFWs na may kinikitang buwanang P10,000 ang buong halaga ng kontribusyon.
- Latest