Naputukan 140 na; stray bullet, 9
MANILA, Philippines - Ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, lalo pang lumobo ang bilang ng mga nabiktima ng paputok.
Mula sa 77 kahapon, umakyat na ngayon sa 140 ang naitatalang mga biktima habang tumaas na sa siyam ang tinamaan ng ligaw na bala.
Ayon kay Health Asst. Secretary at National Epidemiology Center (NEC) director Dr. Eric Tayag, nasa 134 ang biktima ng fireworks-related incident habang 52 percent ay biktima ng picollo. Ang bilang ay simula noong December 21 hanggang kahapon ng alas-6:00 ng umaga.
Kabilang naman sa mga panibagong biktima ng ligaw na bala sina Roberto Mariano Jr., 30, ng Marikina City; Jay Abuniawan, 17, Iloilo; Myra Medrano, 44, Taguig City; Jestoni Obrador, 13, Calatagan, Batangas.
Una rito, hinimok ng DOH ang publiko na iwasan ang paggamit ng paputok bagkus, mas mainam na magtorotot na lamang o kaya’y magsagawa ng mga street parties.
Kung iisipin lamang ng publiko ang ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon, hindi na umano kailangan pa ang iba’t ibang uri ng paputok kung saan kadalasang nagiging biktima ay ang inosenteng sibilyan.
Sa tala ng PNP, umaÂabot na sa 40 katao ang nabiktima ng ligaw na bala mula Disyembre 2012 hanggang Enero 2, 2013 kabilang ang 7-anyos na si Stephanie Nicole Ella ng Caloocan City na tinamaan sa ulo na siya nitong ikinamatay sa pagsalubong sa New Year noong Enero 2013.
Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nahuhuli ang salarin.
Hinikayat naman ng PNP na kunan ng larawan o cellphone video ang sinumang mga indibidwal na masasangkot sa indiscriminate firing upang magsilbing ebidensya sa kaso laban sa mga ito.
Maari ring mag-text ang publiko o kaya naman ay tumawag sa 09178475757 laban sa lahat ng makikita ng mga itong nagpapaputok ng armas upang maiwasan na makapambiktima ng mga inosenteng sibilyan lalo na ang mga bata.
- Latest