Ex-tanod itinumba

MANILA, Philippines - Patay ang isang dating barangay tanod makaraang pagbabarilin ng isang lalaki na naka-motorsiklo habang ang una ay naglalakad sa may kahabaan ng Edsa, lungsod Quezon kahapon ng hapon.

Sa inisyal na impor­masyong ibinigay ng Barangay sa Veterans Village, nakilala ang na­sawi na si Joel Lualhati, dati nilang mi­yembro at naninirahan na ngayon sa Laguna.

Ayon sa ulat, ang biktima ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo at  katawan.

Agad namang tuma­kas ang salarin sakay ng isang motorsiklo makaraan ang pama­maril.

Nangyari ang insi­dente, pasado alas- 2 ng hapon, sa harap ng Saint Agustin College,  sa nasabing barangay.

Sinasabing dumalaw lamang umano sa Barangay Veterans ang biktima nitong Pasko, at papauwi na sana sa Laguna nang sundan ito ng suspek.

Pagsapit sa nasabing lugar ay biglang binaril ng suspek ang biktima sa ulo. Nang bumuwal ang biktima, ayon sa ilang testigo ay muli itong pinaputukan  ng dalawang beses, bago tuluyang tumakas.

Sabi ng barangay, pitong taon umanong naging barangay tanod ng kanilang himpilan ang biktima at tumigil lamang sa paglilingkod matapos na lumipat ang kanilang pamilya sa Laguna. Subalit, sa tagal umano ng paglilingkod nito ay wala silang alam na nakaaway nito na maaring gumawa sa kanya ng karahasan.

Patuloy ang imbes­tigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.

Show comments