Matapos pumanaw ang driver Pamilya ng mga nasawi sa Skyway, tututukan ang paghahabol sa may-ari ng Don Mariano bus
MANILA, Philippines - Makaraang masawi ang driver ng Don Mariano bus na nalaglag sa Skyway, nakatutok na lamang ngayon ang pamilya ng 18 nasawing biktima sa paghahabol sa may-ari ng naturang bus company.
Sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Winston Ginez, epektibong kanselado na ang kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple injuries at damage to properties sa Parañaque City ProÂsecutor’s Office dahil sa pagkamatay ni Carmelo Calatcat.
Nalagutan ng hininga si Calatcat habang nakaratay sa intensive care unit ng Parañaque Doctors Hospital nitong nakaraang Lunes.
Ngunit sinabi ni Ginez na mananatili ang kasong sibil at administratibo laban sa may-ari ng Don Mariano Transit na si Dr. Melissa Lim kung saan inaatasan itong dumalo sa pagdinig sa LTFRB sa Enero 7, 2014.
Sinabi naman ni Roidel Tolentino, anak ng isa sa nasawi na si Rodel Tolentino, na itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso sa pamilya Lim na nakalistang incorporators ng Don Mariano. Inakusahan nito ang Don Mariano na tumalikod sa obligasyon sa kanila makaraang isang beses na makipag-usap. Pinuntahan pa umano nila ang opisina ng Don Mariano ngunit walang gustong humarap sa kanila.
Sa kabila naman na nasawi na si Calatcat, hindi pa rin umano ito mapapatawad ni Tolentino dahil sa dami ng nadisgrasya dahil sa pagiÂging kaskasero nito. Maaari umanong mangyari ito sa paglipas ng panahon kapag nahilom na ang kanilang sugat.
- Latest
- Trending