P1-B dagdag na tulong ng UK sa biktima ni Yolanda

MANILA, Philippines - Inianunsyo ng British go­vernment ang panibagong humanitarian aid o tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda na umaabot sa halagang P1 bilyon.

Ang bagong pangakong pondo para sa Pilipinas ay inihayag nitong Christmas eve ni Justine Greening, international development secretary ng UK, bilang dagdag na suporta sa programa ng pamahalaan na makarekober at maiayos ang mga nasira ng bagyo sa eastern Visayas.

Ang paglalaan ng karagdagang tulong ng UK ay inianunsyo kasunod ng pag-anunsyo naman ng pamahalaan ng Pilipinas sa Reconstruction Assistance on Yolanda  (RAY) program nito na naglalayong maisaayos ang mga kabahayan at istraktura na winasak ng bagyong Yolanda.

Inaasahan na makakatulong sa may isang milyong Pilipino na naapektuhan ng bagyo ang pangakong tulong ng British government. Sa nasabing halaga, umaabot na sa P5.4 bilyon ang naibibigay na kabuuang tulong para sa mga biktima ni Yolanda na tinatayang pinakamalaki sa mga foreign aid na tinanggap ng Pilipinas.

Show comments