11 Pinoy na ‘tumakas’ sa South Sudan nakauwi na sa Pilipinas
MANILA, Philippines - May 11 Overseas Filipino Workers (OFWs) na naipit sa karahasan at nagsilikas sa South Sudan ang inaasahang nakauwi na sa bansa kagabi (Dec 25).
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, dakong alas-10:30 ng gabi takdang dumating ang 11 OFWs lulan ng Emirates Airlines flight EK 334. Ang nasabing grupo ay binubuo ng mga lalaking engineers at field supervisors.
Sinabi ni Hernandez na inilikas ng C-130 ng Estados Unidos ang mga nabanggit na OFWs patungong Nairobi, Kenya noong Disyembre 22 bago sila tumulak pauwi sa bansa.
Sa huling tala, 15 OFWs ang nasa Uganda na at 11 pa ang naglalakbay patuÂngo na sa nasabi ring bansa matapos na magsilikas sa South Sudan.
May 20 Pinoy naman ang nagsilikas sa Kenya, apat ang lumikas sa Khartoum mula South Sudan habang lima pa ang kumuha ng kanilang flight patungong Dubai mula Juba.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Embahada ng Pilipinas sa 31 pang OFWs na nananatiling nasa South Sudan at ang Embahada sa Nairobi ay patuloy na binibigyan ng tulong ang iba pang Pinoy na nagnanais na umalis sa nasabing bansa.
Nitong nakalipas na linggo ay nagpatupad ang Department of Foreign Affairs ng crisis alert level 3 sa South Sudan kung saan ikinasa ang voluntary evacuation at ang total ban sa mga OFWs na tutungo at magtatrabaho sa nasabing bansa sa gitna na rin ng tumitinding karahasan doon.
- Latest
- Trending