‘Ahente’ ni Napoles Ducut, pinagbibitiw sa ERC
MANILA, Philippines - Ipinauubaya ng Malacañang kay Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Zenaida Ducut ang pagbibitiw sa kanyang puwesto matapos na tukuyin ito na ‘ahente’ ni Janet Lim-Napoles.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ang desisyon kung magbibitiw sa puwesto si chairperson Ducut sa ERC ay nasa kanya na ito.
Magugunita na nagbitiw si dating Customs Commissioner Ruffy Biazon dahil sa ‘delicadeza’ matapos siyang isangkot sa pork barrel scam.
Tinukoy ng P10 bilyong pork barrel scam whistle blower na si Benhur Luy na si Ducut na nagsilbing kongresista din ng Pampanga ang tumayong ‘ahente’ ni Napoles sa mga kongresista upang ilagay ang pondo nila sa NGO ni Napoles.
Inakusahan pa ni Luy si Ducut na humihingi ng 5 percent commission sa bawat pondong nakakalap niya sa mga kongresista upang ilagay sa NGO ni Napoles.
Nanatili namang tahimik si Ducut sa gitna ng mga alegasyon laban sa kanya bilang ahente ni Napoles.
- Latest