PNP handa na sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon
MANILA, Philippines - Handa na umano ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon.
Sa memorandum circular Yuletide 2013 na inisyu ni PNP director Alan Purisima, inatasan nito ang buong kapulisan na tiyaking ligtas ang mga lugar na madalas puntaÂhan ng mga mamamayan tulad ng simbahan, parke, shopping malls at iba’t ibang terminal sa bansa.
Bumuo na rin ng task force ang bagong NCRPO Director, Chief Supt. Carmelo Valmoria upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa mga kriminal partikular ang mga holdaper, mandurukot, snatcher at iba pang modus-operandi.
Bukod dito, magpapakalat din umano ang PNP ng road safety marshal na aayuda naman sa daloy ng trapiko at magtatalaga ng police assistance desk sa mga mall, bus terminals, airports, gayundin sa MRT at LRT upang pagsumbungan ng publiko laban sa mga kriminal, kahina-hinalang personalidad, mga abusadong taxi drivers at iba pa.
Lalo rin umanong paiigtingin ang police checkpoints laban naman sa mga kriminal lulan ng mga motorsiklo at pribadong sasakyan at paghahabol sa mga iligal na baril.
May kampanya rin ang NCRPO laban sa mga iligal na nagpapaputok ng baril. Maaaring isumbong ng publiko ang mga kapitbahay o sinumang makikitang nagpapaÂputok ng baril sa telepono bilang: 0917-8561040, 0915-8888181 at 0999-9018181.
Sa kabuuan, titiyakin umano ng pambansang pulisya na hindi makakapagsamantala ang mga masasamang loob sa mga mamamayang masayang sinasalubong ang Pasko at Bagong Taon.
- Latest