6 nasawi sa Yemen bombing kinilala
MANILA, Philippines - Natukoy na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga pangalan ng anim sa pitong Pinoy hospital workers na nasawi sa suicide bombing sa Yemen ng nakalipas na linggo.
Kinilala ni OWWA Administrator Carmelita Dimzon ang mga biktima na sina Dr. Ruben Valenzuela, Marian David, Hezel Pueblos, Edward Anthony de Guzman, Marivic Corilla Badenas at Aurora Yumol Gormate na pawang nagtatrabaho sa isang ospital sa loob ng Yemeni Ministry of Defense Complex na inatake ng mga terorista noong Disyembre 5 na ikinasawi ng may 52 katao kabilang ang pitong Pinoy at ikinasugat ng may 170 iba pa.
Sinabi ni Dimzon na napuntahan na rin ng mga kinatawan ang OWWA ang pamilya sa Pilipinas ng anim na kinilalang nasawi habang ang hindi pa pinangalanan na isa ay hinahanap pa ang mga kaanak.
Sinabi ni Dimzon na hindi ri nila mahanap sa kanilang listahan ng mga miyembro ang pangalan ng isang nabanggit na pang-pitong biktima.
Kinumpirma din ni Dimzon na 29 OFWs na karamihan ay nurses sa nasabing ospital ang sugatan at pawang dokumentado.
Inalok na rin aniya ng libreng repatriation ang mga biktima alinsunod sa pagtaas ng crisis alert level 3 ng Department of Foreign Affairs sa nasabing bansa bunsod ng patuloy na tensyon sa Yemen.
Ani Dimzon, hindi muna pinapayagan ang pagpapadala ng mga OFWs at maging ang returning OFWs upang tumungo at magtrabaho sa Yemen dahil na rin sa nasabing pagtaas ng alert level doon.
Sa mga susunod na mga linggo umano inaasahan na makakauwi na sa bansa ang mga labi ng mga biktima.
Tiniyak pa ng OWWA na maibibigay ang mga benepisyo ng mga nasawi kabilang na ang P200 death benefits at karagdagang P20,000 para sa gagastusin sa pagpapalibing sa kanilang mga labi.
- Latest
- Trending