MANILA, Philippines - Muling iginiit kahapon ng Malacañang na korte lamang ang maaring magpasya sa hirit ng kampo ni dating PaÂngulo at ngayon ay Pampanga Congw. Gloria Macapagal-Arroyo na makalabas ng ospital ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, hindi ang Palasyo ang magpapasya sa gusto ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Arroyo, na mabigyan ng Christmas furlough ang dating Pangulo.
Sinabi ni Valte na ipinapaubaya niya sa kampo ni Arroyo kung maghahain sila ng mosyon dahil sa ngayon ay naka-hospital arrest pa rin ito.
Samantala, sa tanong kung bibisita ba si Pangulong Aquino kay Arroyo ngayong Kapaskuhan matapos magdesisyon si dating Pangulong Joseph Estrada na bisitahin ito, sinabi ni Valte na sa ngayon ay hindi niya alam kung dadalaw rin si PNoy.
Nauna rito, sinabi ni Topacio na noong si Arroyo ang presidente at nakakulong si Estrada, pinayagan nito ang kahilingan ng huli na Christmas furlough.
Kasalukuyang naka-hospital arrest si Arroyo sa VeteÂrans Memorial Medical Center.