Yolanda death toll pumalo sa 6,009
MANILA, Philippines - Lumobo na sa 6,009 ang death toll habang tumaas na rin sa 16 milyon katao ang apektado sa delubyo ng super bagyong Yolanda na tumama sa Central Visayas noong Nobyembre 8.
Nanatili naman sa 1,779 ang nawawala at ngayon ay patuloy pa ring pinaghahanap habang tumaas na rin sa 27,022 ang mga naitatalang sugatan.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario, kabilang sa mga nasawi ay 3 sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan), 19; Bicol, 6; Western Visayas, 250; Central Visayas, 74; Eastern Visayas, 5,655; Zamboanga Peninsula, 1; at isa sa Caraga Region.
Umakyat na rin sa 3,424,190 M pamilya o katumbas ng 16,076,360 M indibidwal ang naapektuhan sa 12,122 barangays sa 44 lalawigan.
Mas nadagdagan naman ang halaga ng pinsala ng bagyo na umaabot na sa P35.547 bilyon kabilang ang P18.226 bilyon sa imprastraktura at P17.321 bilyon sa agrikultura.
Nasa 1,139,0731 mga kabahayan naman ang napinsala kabilang ang 550,904 nawasak at 588,827 nagkaroon ng sira.
Ayon naman kay Chief Insp. Joseph PalÂmero, medico legal officer ng PNP Crime Laboratory, sa 6,009 nasawi ay 4,000 bangkay ang hindi pa rin nakikilala. Inamin din ng opisyal na marami sa mga bangkay na narekober sa lungsod ang nabulok na at mahirap ng kilalanin dahil burado na ang fingerprint, walang dental rekord at wala ring kumikilala sa mga ito matapos ang exodus ng mga residente sa Leyte at Samar.
Bilang solusyon ay kinukunan na lamang nila ng larawan ang mga bangkay bago ilibing sa mass grave.
- Latest